Monday, October 29, 2012

Pagmumuni-muni





Umiiwas
sa pagtunton sa nakatagong dapit-hapon
ng kahapon.


Isang palaisipan
kung ang nakaraan ay siya na lamang bahagi ng nakalipas,
ng nakaligtaan.


Hinihimay
ang lubid ng pag-mumuni-muni.


Alintana man ang ngayon,
di ito masisilayan
sa mukhang ang ipinipinta ay masayang obra ng kasinungalingan.


Pagpapanggap
na siyang katotohanan.


Sa nyebe ng pangungulila,
ang pinanghahawakang butil ng pag-asa ang siyang alab
na yumayakap sa hungkag na kaluluwa.


May liwanag na naaaninag—
nagsasayaw na malikmata sa disyerto.

Nagpapaasa.
Nagbabakasakaling
malilinlang ka pa.


Sa pag-iling, isang resolusyon:
ika'y mananatili
patuloy na lalangoy
sa nakalipas na panahon.




©

Saturday, October 27, 2012

Ang Pagbabalik

Hindi kita nakaligtaan. Hindi kita binabalewala. Hindi ko magagawa yun.
Sino ang niloko ko? Malamang nakaligtaan nga kita. Ilang buwan na rin mula nang huli kitang nabisita. Kay tagal na panahon na rin nang huling makadaupang-salita kita.

Batid kong mapapatawad mo ako.

Hindi ko rin naman alam ang aking sasabihin.Mayroon nga bang nakatagong katagang nararapat sambitin? Ayaw kong pilitin ang Musa na gawin ang bagay na labag sa kanyang kalooban.
Subalit ito ay isang pakiki-pagbuno sa mga diwa at salitang kay tagal nahimlay sa pagkalimot.

Maaari pa bang maibalik ang tiwala? Ako'y nawala, nilisan ka at kinalimutan.

Hindi, hindi kita kayang kalimutan. Hindi ko lang alam kung paano kita babalikan.
Batid kong mapapatawad mo ako subalit ano pa ang masasabi ko?

Nais kong magsimulang muli.