Wednesday, January 5, 2011

Basted Agad

Bakit nga ba ang hirap ng mga simula? Nariyan ang pagdating ng isang ideya ngunit bigla kang matitigilan sa iyong pag-iisip at maba-blanko. Para bang nagsimula kang mag-paandar ng sasakyan ngunit sa kalaunan ay titigil ang makina at balik ka naman sa simula.

Naisipan kong subukan ang gumawa ng panibagong blog. Oo, alam ko, pang-ilang simula ko na ito May mag simulang nagpatuloy, may mga simulang hanggang simula lang. Sa tuwina, wari'y isa itong siklo, paulit-ulit, walang hinto.

Tulad na lamang ng blog na ito. Madaling pumili ng host, subalit hanggang doon lang yun. Ang pinaandar kong sasakyan, di pa nga nakalalabas ng garahe, ay tumirik na noong kinailangan ko na itong pangalanan. Isip, isp. Ano ba ang magandang pangalan? Yung kakaiba ngunit madaling tandaan (o aminin na natin, madaling mahanap sa internet). Eto kaya? Hindi. Alam ko na! Pero ang pangit. Eh eto? Walang buhay. EH kung...?Hmm. Pero hindi nito isinasalamin ang nais kong ipahiwatig.

Ano nga ba ang nais kong ipahiwatig? Ano na naman ang mga walang katuturang ibabahagi ko sa pandaigdigang sapot (world wide web)? Hindi pa ba sapat na marami ng blog riyan na tinatalakay ang pulitika, sining, pag-ibig, kasawian, galit, kasiyahan at kung ano pa man? Dadagdag pa ba ako?

Pero gusto ko. Gusto kong mas-isip ng bagay na pwedeng ilagay rito, kung ano man yun, hindi ko alam. Batid ko lang sa sarili ko na kailangan kong gawin ito. Siguro sapat na yung dahilan.

At sa kalaunan, sana mahanap ko ang hinahanap ko (ano man ito o sila). Maisip ko na ang mga bagay na dapat kong isipin. Mahawakan ko na ang mag ideyang lulutang-lutang sa ere. Sana hindi na lang laging pundidong ilaw ang aking masilayan.


No comments:

Post a Comment