Thursday, January 6, 2011

Umuulan, Ang Saya Naman

Hindi pa sapat ang sobrang lamig ng panahon, umaambon naman ngayon. Hindi ko ito inaasahan, itong ulan. Subalit may kung anong tuwa ang hatid nito sa aking kalooban. Paano kasi, ang ulan, parang luha lang. Minsan malakas na tila lulunurin ka na. Minsan nama'y ga-dura ang buhos. Teka.Hindi yata magandang ihambing ang ulan sa dura. Baguhin natin. Minsan nama'y di mo namamalayan ay umuulan na pala. Parang pag umiiyak ka. Minsan sa sobrang saya o lungkot mo, di mo namamalayan na ang dami mo na pa lang iniluluha. O minsan, akala mo wala lang pero may tumutulo na pala sa mukha mo.

Natutuwa ako kasi nakikisabay ang kalangitan sa nararamdaman ko. Hindi naman ako sawing-palad. Hindi rin naman kasi ako in love. Yun yata ang problema ko. Iniisip ko kung talaga nga bang umibig na ko. Sa pagkakaalam ko kasi, oo. Nasaktan na ko, oo. Ilang beses na. Pero sapat ba yun para sabihing tunay na nga akong nagmahal? Siguro ang nararamdaman ko ngayon ay dulot na rin ng mga balitang natatanggap ko mula sa mga malalapit sa akin. Mayroong ikinasal bago nagtapos ang nakaraang taon. Mayroon namang patungo na sa isang relasyon. Eh ako? Parang naiiwan na naman.

Inggit lang ba ito? O isang paalala namalupit minsan ang kapalaran? Isang karma dahil sa mga nasaktan kong nilalang noon? Hindi naman siguro. Hindi naman ako naging malupit ah. Hindi ko lang talaga mapipilit ang puso ko na mahalin ang taong di ko naman mahal.

Tuwing umuulan, pakiramdam ko, unti-unti ring napapawi ang ano mang sakit o pag-iimbot na nararamdaman ko. Tulad din ng gingawa ng ulan sa paligid --- sa langit, sa hangin, sa mga puno, sa mga lansangan --- binabanlawan nito ang mga namuong dumi at alikabok.

Subalit minsan, ang ulan ay nag-iiwan pa rin ng basura, ng baha, ng burak. Gaya na lamang ng luha. Minsan akala mo naiyak mo na lahat. Hindi pa rin pala. May sugat pa ring di naghihilom. Masakit pa rin.

Tumigil na ang ulan. Nakakalungkot naman.

No comments:

Post a Comment